Isang Tunay na Kuwento ng Isang Dayuhan na Nagtatrabaho bilang Tagapamahala ng Pangangalaga sa Hapon 1

Isang Tunay na Kuwento ng Isang Dayuhan na Nagtatrabaho bilang Tagapamahala ng Pangangalaga sa Hapon 1

Sa unang bahagi ng aming serye ng pakikipanayam kay Dicki Yonata, isang manggagawa sa pangangalaga sa ilalim ng EPA na naging tagapamahala ng pangangalaga sa Kenshokai Baden Healthcare Facility for the Elderly sa Lungsod ng Takamatsu, Kagawa Prefecture, tinanong namin si Dicki, na nagtrabaho bilang isang nars sa kanyang sariling bansa, kung bakit nakita niyang kasiya-siya ang pagtatrabaho sa industriya ng pangangalaga.

 

Dicki Yonata

Ipinanganak sa Sumatra, Indonesia, si G. Yonata ay dumating sa Hapan noong 2012 bilang isang kandidatong manggagawa sa pangangalaga sa ilalim ng EPA. Naging kuwalipikado siya bilang isang sertipikadong manggagawa sa pangangalaga noong 2015 at bilang espesyalista sa suporta sa pangangalaga (tagapamahala ng pangangalaga) noong 2021. Ikinasal siya sa parehong taon at ngayon ay isang ama sa dalawang anak.

Contents:

Mula sa pagtatrabaho bilang isang nars sa Indonesia hanggang sa pagtatrabaho bilang isang sertipikadong manggagawa sa pangangalaga sa Hapon

Bago ako dumating sa Hapon, nag-aral ako ng nursing sa isang unibersidad sa Java, Indonesia at nagtrabaho bilang isang nars sa isang ospital sa loob ng isang taon pagkatapos ng kolehiyo. Noon pa man ay nais ko nang magtrabaho sa ibang bansa at kinokonsidera ang pagpunta sa Europa o Estados Unidos, pero nag-aalala ako tungkol sa mga pagkakaiba sa kultura. Isang bansa rin sa Asya ang Hapon, na matatagpuan malapit sa sarili kong bansa, ang Indonesia, at pumasok ang dalawang bansa sa isang Economic Partnership Agreement (EPA).

 

Naintriga rin ako sa matataas na pamantayan ng Hapon sa maraming aspeto. Ang Hapon ang may pinakamahabang inaasahang haba ng buhay sa buong mundo pati na rin ang may pinakamababang dami ng namamatay sa buong mundo pagdating sa mga sanggol na wala pang isang taong gulang. Nagpapahintulot ang pasaporte ng Hapon sa mga mamamayan nito na bumisita sa maraming mga bansa sa buong mundo, at mayroon din ang bansa ng isang kultura ng mabuting pakikitungo, pati na rin ng sushi.

 

Sa umpisa, gusto kong magtrabaho bilang isang nars sa Hapon, pero para maging isang kandidatong nars sa ilalim ng EPA, kailangan ko ng di-bababa sa dalawang taong karanasan sa pagtatrabaho sa isang ospital. Naisip ko na wala namang pagkakaiba pagdating sa pagtatrabaho para sa iba, kaya dumating ako sa Hapon bilang isang kandidatong manggagawa sa pangangalaga. At habang nagtatrabaho ako, unti-unti kong naramdaman na lalo pang nagiging kasiya-siya ang trabahong ito.

 

Ang mga manggagawa sa pangangalaga ay regular na tumutulong sa mga pasyente sa kanilang pagkain, rehabilitasyon, at emosyonal na pangangalaga. Ang ilan sa kanila ay nais nang umuwi, ang ilan naman ay dumaranas ng demensiya, habang ang iba naman ay nagrereklamo tungkol sa kanilang pagkabalisa at pagkabigo. Nakikipag-usap kami at nakikinig sa mga taong ito araw-araw. Depende sa pasilidad, maaaring limitado ang bilang ng mga nars. Gayunpaman, ang mahalaga ay maging malapit sa mga pasyente, at iyon mismo ang ginagawa ng mga manggagawa sa pangangalaga. Habang nakikinig ako sa mga kuwento ng mga pasyente at nananatiling malapit sa kanila araw-araw, naniniwala ako na angkop ako sa trabaho sa pangangalaga.

 

 

Mula sa pagiging manggagawa sa pangangalaga hanggang sa pagiging lider ng lugar at tagapamahala ng pangangalaga

Naging isang sertipikadong manggagawa sa pangangalaga ako noong 2015. Dati, nagtatrabaho ako habang sumusunod sa mga tagubilin, ngunit pagkatapos ko makuha ang sertipikasyon ko, nagsimula akong mag-isip nang mabuti kung paano ako makakapagbigay ng mas mahusay na pangangalaga. Nagsimulang mapansin ko ang maliliit na pagbabago sa lakad at ekspresyon sa mukha ng mga pasyente, at nagagawa ko na ngayong maiugnay ang mga pagbabagong ito sa pangangalagang ibinibigay ko.

 

Pagkatapos ay naging lider ako ng buong palapag, at noong 2018 ay kinuha ko ang isang panggitnang posisyon sa pamamahala na kilala bilang Next in Kenshokai, at ngayon ay isang tagapamahala at deputy head na ako. Mas marami akong pagkakataon na turuan ang mga mas batang kawani, at nag-oorganisa ako at ipinapasa ang kaalaman at karanasan ko sa kanila. Pareho lang ang patnubay para sa trabaho sa pangangalaga para sa mga dayuhan at Hapones, ngunit nagbibigay din ako ng suporta para sa mga mas batang kawani na dumarating sa Hapon sa ilalim ng programang EPA upang maghanda para sa pambansang pagsusulit para sa mga sertipikadong manggagawa sa pangangalaga. Ang pag-intindi sa wikang Hapon ay susi sa pagkuha ng sertipikasyon. May mga pagkakataon na mahirap mag-aral habang nagtatrabaho, ngunit umaasa ako na magtitiyaga sila at patuloy na mapapataas ang kanilang antas.

 

Gusto kong maging isang tagapamahala ng pangangalaga dahil nakita ko ang pagbabago sa maraming mga pasyente depende sa kanilang mga plano sa pangangalaga. Naisip ko na kung makakagawa ako ng ilang mga plano para sa ilang mga tao, maaari silang magkaroon ng mas magiliw at kasiya-siyang buhay. Para maisakatuparan ang layuning ito, nagpasya akong maging isang namamahala sa paglikha ng mga plano sa pangangalaga.

 

Pagkatapos ng isang taon ng pag-aaral, naging kuwalipikado ako bilang tagapamahala ng pangangalaga noong 2021. Sa kasalukuyan, ako ang namamahala sa mga plano sa pangangalaga para sa humigit-kumulang 15 katao. Para maibigay ang pinakamahusay na plano para sa bawat pasyente, palagi kong iniisip kung anong uri ng buhay ang talagang gustong taglayin ng pasyente, at kung mayroon silang masasayang buhay ngayon.