
Sa Japan, kasalukuyang isinasagawa ang mga pagsisikap para ipakilala ang iba’t ibang modernong teknolohiya sa larangan ng pangangalaga. Ang isang kapansin-pansing tagapanguna sa larangang ito ay ang Akita Sousei Management, na nagpapatakbo ng mga pasilidad sa pangangalaga sa Akita Prefecture sa rehiyon ng Tohoku. Sa Bahagi 1 ng artikulong ito, nakapanayam namin si Seiichi Awano, presidente ng Akita Sousei Management, tungkol sa nagtulak upang ipakilala niya ang mga ICT tool at ang mga epekto ng mga tool na iyon.
Seiichi Awano
Presidente ng Akita Sousei Management Co. Kasalukuyan siyang nagpapatakbo ng tatlong korporasyon at limang opisina sa Akita Prefecture. Sa nakalipas na mga taon, natawag niya ang pansin ng buong Japan bilang isang modelo para sa pag-empleyo ng mga dayuhang tauhan, at nagpahayag siya sa maraming seminar at iba pang kaganapan.
Akita Sousei Management
Promosyon ng Digitalization
https://rin-sousei.com/forthefuture/digital
Contents:
Mula sa mga sulat-kamay na rekord tungo sa mga iPad
Yamang nagtrabaho rin ako sa pasilidad sa pangangalaga, madalas kong pinag-isipan ang mahusay na operasyon. May prediksyon ako na ang mga rekord ng pangangalaga, na karamihan ay nasa sulat-kamay, ay madi-digitize sa hinaharap, kaya ipinakilala ko ang iPad 10 taon na ang nakakaraan. Noong panahong iyon, pinagsaluhan ng buong staff ang tatlong iPad at PC.
Noong panahong iyon, ang lahat ng miyembro ng staff namin ay Japanese. Marami sa kanila ang nasa mga edad na 40, at nahirapan ang ilan sa introduksyon ng mga ICT tool. Isang konserbatibong lungsod sa rehiyon ang Akita; marahil ay masyado pang maaga para gamitin ang iPad para sa mga tungkulin sa trabaho. Gayunman, nagamit ito ng marami sa mga miyembro ng staff pagdating ng ikatlong buwan mula sa introduksyon nito. Pero, may ilan din na nagbitiw dahil hindi sila naging sanay sa paggamit ng mga bagong tool.
Pagkatapos naming ihinto ang pagsusulat ng mga rekord sa pamamagitan ng kamay, nakita namin na naging mas madaling basahin ang aming mga rekord ng pangangalaga. Ang pamahalaan ay regular na nagsasagawa ng administratibong paggabay sa pagpapatakbo para sa mga pasilidad sa pangangalaga, at laging sinusuri ang mga rekord sa mga sesyon ng paggabay na ito. Sa mga rekord na nasa sulat-kamay, matagal mahanap ang mahalagang impormasyon na nakarekord sa maraming piraso ng papel. Pero sa iPad, posibleng maghanap gamit ang mga susing salita. Dahil dito, naging madali para sa amin na mahanap ang impormasyon at ihanda ang mga dokumento, at naging mas mahusay ang operasyon namin.
Pagbabawas sa mga pasanin ng bawat isa sa pamamagitan ng mga monitoring robot
Apat na taon na ang nakakaraan, nag-apply kami ng grant at nagdala ng mga monitoring robot. Ang mga vital sensor na nakakabit sa ilalim ng mga sapin ng higaan ng mga pasyente namin, ay nagpahintulot para masubaybayan namin ang kanilang kondisyon, kasama ang tibok ng puso nila. Noon, regular na nakaiskedyul ang pagpapatrolya namin gabi-gabi. Sa tuwing nagpupunta kami para tingnan kung gising o tulog ang mga pasyente namin, binubuksan namin ang ilaw sa mga silid nila, na nakakagambala sa kanilang pagtulog. Ngayon, nasusubaybayan na namin ang aming mga pasyente gamit ang mga vital sensor, kaya hindi na kailangang magpatrolya sa kalaliman ng gabi. Naalis na ang pasanin ng mga pasyente at miyembro ng staff. Lalo pang sumusulong ang teknolohiya ng robot kada taon, at umaasa akong magagamit nang husto ang mga subsidiya at iba pang anyo ng suporta para itaguyod ang introduksyon ng teknolohiyang ito sa mas marami pang pasilidad sa buong bansa.
Madalas na sinasabi na kami ay nangungunang halimbawa pagdating sa paggamit ng mga teknolohiya, pero ginawa namin ito dahil kailangan naming pasimplehin ang aming operasyon dahil sa kakulangan ng staff. Ang aming digitazion ay malugod na tinanggap ng mga mas batang miyembro ng staff, at tumulong pa nga sila sa pagre-recruit ng mga bago.
Ang mga dayuhang miyembro ng staff ay gumagamit din ng iba’t ibang tool habang nagtatrabaho. Ang pinakasentro ng mga tool na ito ay ang LINE WORKS. Mayroon itong function ng pagsasalin ng wika, at ipinapakita ang salin sa wikang Indonesian sa ilalim ng mga salitang Japanese, kaya nagiging madali at kumbinyente ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa mga detalye ng pagpapasa ng shift sa araw-araw.
Pagdating sa pagsusulat ng kamay, ang magulong sulat-kamay ng wikang Japanese ay maaaring mahirap basahin kahit para sa mga Japanese, at lalo pa itong mas mahirap para sa mga dayuhan. Naniniwala ako na mahalagang tool ang ICT para sa pagpapadali ng komunikasyon at pagpapaunlad ng kaugnayan sa iba sa mga pasilidad sa pangangalaga. Hindi makakapagpatuloy ang pangangalaga gamit ang iyon at iyon ding mga pamantayan. Nagsisikap tayo para baguhin ang disenyo ng pangangalaga sa pamamagitan ng pangunahing pagbabago sa uri ng pangangalaga sa mga pasilidad sa pangangalaga at sa kabatiran ng mga tao.
Bumibisita sa opisina namin ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Parami nang parami ang nagiging interesado, hindi lang sa kung paano gagamitin ang teknolohiya, kundi pati na rin sa nakikita nilang pagtatrabaho ng aming mga dayuhang miyembro ng staff. Nagugulat silang malaman na mahusay na nakakapagsalita ng dialektong Akita ang mga Indonesian na miyembro ng staff. Siyempre, hindi lang ito dahil sa paggamit namin ng mga ICT tool, kundi dahil sa araw-araw na pakikipag-usap ng aming mga miyembro ng staff sa mga pasyente namin at nag-aaral din sila.
(ipinagpatuloy sa Bahagi 2)