
Ito ang ikalawang parte ng isang serye ng panayam kay Dicki Yonata, na nagtatrabaho sa Kenjokai Baden Geriatric Health Services Facility sa Takamatsu City, Kagawa Prefecture. Nagsimula siya bilang isang kandidato sa pagiging manggagawa sa pangangalaga na sertipikado ng EPA at ngayon ay isa nang tagapamahala sa pangangalaga. Sa parteng ito, ibinabahagi niya kung paano siya nag-aral para sa eksamen para sa sertipikasyon ng tagapamahala sa pangangalaga.
Dicki Yonata
Ipinanganak sa Sumatra, Indonesia, si G. Yonata ay dumating sa Hapan noong 2012 bilang isang kandidatong manggagawa sa pangangalaga sa ilalim ng EPA. Naging kuwalipikado siya bilang isang sertipikadong manggagawa sa pangangalaga noong 2015 at bilang espesyalista sa suporta sa pangangalaga (tagapamahala ng pangangalaga) noong 2021. Ikinasal siya sa parehong taon at ngayon ay isang ama sa dalawang anak.
Contents:
Paraan ng Pag-aaral para sa Pagpasa sa Eksamen ng Tagapamahala sa Pangangalaga
Nagsimula akong mag-aral para sa eksamen para sa sertipikasyon ng tagapamahala sa pangangalaga nang isang taon patiuna. Dahil mahirap maglaan ng mahabang panahon para sa pag-aaral kapag mga araw ng trabaho, napagpasyahan kong kahit na mag-aral ng 10 minuto lang sa bawat pagkakataon ay ayos na—basta’t palagi ko itong ginagawa araw-araw. Sa mga oras ng pahinga, kinagawian kong magbasa ng reperensiyang aklat sa app na Kindle sa aking smartphone. Pagkauwi sa bahay, nagrerepaso at nagsasaulo ako ng mga bagay habang naliligo, at bago matulog ay sinisikap kong sagutan ang mga tanong sa mga nakaraang eksamen—paunti-unti, araw-araw. Pagkatapos, sa huling buwan bago ang eksamen, nagbakasyon ako sa trabaho ng ilang araw at nag-aral gabi-gabi hanggang 3 a.m.
Personal kong natuklasan na ang mga ligal na aspekto, tulad ng sistema ng seguro sa pangmatagalang pangangalaga, ay medyo mahirap. Ngunit kung gusto mong makakuha ng sertipikasyon, kailangan mo lang talagang mag-aral. Ang pagpaplano at pagiging hindi pabago-bago ay napakahalaga. Nagbakasyon ako sa trabaho isang buwan bago ang eksamen, at sinuportahan ako ng aking mga katrabaho noong panahong iyon. Sa tingin ko ang mga tao sa karamihan ng mga pasilidad ay palalakasin din ang loob mo.
Kung tungkol sa kakayahan sa wikang Hapon, sa palagay ko ay malamang na sapat na ang pagkakaroon ng JLPT N2. Sa kaso ko, nag-aral ako ng wikang Hapon sa loob ng anim na buwan bago magpunta sa bansang Hapon sa ilalim ng programang EPA, at pagkatapos ay nagsimula akong mag-aral nang mas seryoso pagkarating. Naipasa ko ang N3 sa aking unang taon sa bansang Hapon, N2 sa aking ikalawang taon, at nakuha ko ang N1 bago kumuha ng eksamen ng sertipikadong manggagawa sa pangangalaga. Pinlano kong kumuha muna ng N1, pagkatapos ay magpatuloy upang makuha ng parehong mga sertipikasyon na sertipikadong manggagawa sa pangangalaga at tagapamahala sa pangangalaga.
Paggampan sa Tatlong Tungkulin sa Trabaho Araw-araw
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho ako bilang isang sertipikadong manggagawa sa pangangalaga, isang tagapamahala, at isang tagapamahala sa pangangalaga. Humigit-kumulang sa 60–70% ng aking tungkulin ay nauukol sa mga tungkulin sa pagbibigay-pangangalaga at pamamahala, habang ang pamamahala sa pangangalaga ay bumubuo sa natitirang 30–40%. Sa araw, karamihan sa aking oras ay ginugugol sa mga gawain sa pagbibigay-pangangalaga at pamamahala, tulad ng mga komperensya (mga pulong upang talakayin ang mga kondisyon ng mga residente), pagsubaybay (pakikipag-usap nang isa-isa sa mga residente upang marinig ang tungkol sa kanilang mga alalahanin o kawalang-kasiyahan), at pagkonsulta sa mga kawani. Ginagampanan ko ang mga responsibilidad ng tagapamamahala sa pangangalaga sa pagitan ng mga gawaing iyon o kapag nasa trabahong panggabi.
Ang tagapamahala sa pangangalaga ay gumaganap ng isang pangunahing tungkulin sa loob ng isang pasilidad. Tinitingnan ko kung sa pangkalahatan ang mga plano sa rehabilitasyon at nutrisyon ay maayos na umuusad. Sa Kenshokai Baden, kung saan ako nagtatrabaho, may tatlong tagapamahala sa pangangalaga. Ang dalawa pa ay Hapones—ang isa ay parehong tagapamahala at tagapamahala sa pangangalaga, at ang isa ay pangunahing nakatuon sa pamamahala sa pangangalaga. Madalas naming pinag-uusapang tatlo kung paano gumawa ng mga plano sa pangangalaga, mga pamamaraan sa komunikasyon, at kung paano magtalaga ng mga responsibilidad. Dahil direkta din akong nagtatrabaho sa pagbibigay-pangangalaga, ang aking mga tungkulin ay walang malinaw na mga hangganan. Sinasabi ng mga tao na mukhang abala ako, ngunit ito’y isang lugar ng trabaho na walang overtime, at talagang nasisiyahan ako sa aking trabaho.
Sa pagbibigay-pangangalaga, ang pinakamahalaga ay ang pananatiling malapit sa mga residente—ang pagiging naroroon para sa kanila. Naniniwala rin ako na napakahalaga na laging unahin ang kanilang mga kagustuhan. Ang isang mahusay na tagapamahala sa pangangalaga ay isang taong talagang nakikinig sa iba, tunay na iniisip ang kaligayahan ng mga tao, at, saka… mahilig gumamit ng computer (tumatawa). Napakaraming papeles ang nasasangkot, kaya kailangang-kailangan ang malakas na kasanayan sa wikang Hapon.