Ang Japan ay madalas na tinatawag na isang ligtas na bansa. Sa katunayan, ang Japan ay nasa ika-9 na ranggo sa Global Peace Index na inihayag noong Hunyo 2020. Sa mga pangunahing maunlad na bansa, ang Japan ay pumapangalawa lamang sa Canada. Ang Japan ay may mga batas na naglalayon sa pangangasiwa ng mga baril at espada, para walang sinuman ang maglalakad na may dala-dalang baril o espada (syempre, wala ring mga samurai na may dala-dalang espada sa kanilang baywang). Sa pamamagitan ng mga survey at panayam, tinanong namin ilang mga dayuhang may karanasan sa pagtatrabaho sa Japan tungkol sa kanilang buhay rito.
Contents:
Delikado bang lumabas tuwing gabi sa Japan?
Ibinahagi ni Mr. Mani Gyawali, na isang Nepalese na nagtrabaho sa Oita Prefecture, “Ang bayang tinirhan ko ay isang napaka ligtas na lugar. Kapag lalabas ka, para sa trabaho o pribado, maaari kang kumilos nang hindi nag-aalala sa oras. Kumpara sa aking sariling bansa, sa palagay ko ay ang Japan ay napakaligtas at mapayapa anumang oras ng araw.” Sa kabilang banda, sinabi sa amin ni Annie, “Kumpara sa aking sariling bansa sa Pilipinas, ang Japan ay napaka ligtas tuwing gabi. Gayunpaman, mayroon din akong mga nakakatakot na karanasan. Iyon ay sa isang downtown area kung saan maraming Japanese pubs, isang lasinggero ang nagsimulang makipag-usap sa akin.”
Sinabi samin ni Ms. Batgerel Ariungerel mula Mongolia, na kakarating lamang sa Japan, “Akala ko ang Japan ay napakalinis at ligtas. Pero pagkarating ko sa Japan, puro tungkol sa insidente at aksidente ang pinapalabas sa balita, kaya medyo hindi ako mapakali.”
Bagama’t totoo na ang Japan ay isang ligtas na bansa, makabubuti para sa mga kababaihan na iwasan ang maglakad mag-isa sa mga downtown area sa gitna ng gabi.
Malinis ba sa mga bayan sa Japan?
Tila kapag ang mga dayuhan ay dumating sa Japan sa unang pagkakataon, nagugulat sila at sinasabing “Ang mga sasakyan sa kalsada ay maayos at malinis!” Ang mga pampublikong transportasyon din, tulad ng mga tren at bus, ay malinis at madalas walang makikita na basura sa sahig. “Naging interesado ako sa sistema ng paghihiwalay ng basura at kung gaano kalinis at kaayos ang buong bayan. Nagulat din akong makita na may mga banyo at drinking fountain sa mga parke.
Nalaman ko na ang mga Hapon ay napaka-conscious sa kanilang mga pag-uugali,” sinabi ni Mr. Mani Gyawali mula Nepal sa amin. Gayunpaman, tila magkakaiba ang ideya ng mga tao tungkol sa kalinisan ng mga bagay tulad ng mga banyo. “Ang mga banyo sa mga shopping mall at department store ay napakalinis at maayos. Gayunpaman, karamihan sa mga banyo sa mga pampublikong pasilidad ay hindi gaanong kalinis. Ang mga banyo sa mga istasyon ay mabaho…”, komento ng isang tao.
Sinasabi na ang pag-uugali at pagsunod sa mga patakaran ay ang pambansang katangian ng mga Hapon. Dahil dito, ang mga bayan sa Japan ay karaniwang malinis at wala gaanong hindi kaaya-ayang karanasan sa mga ito. Gayunpaman, maaaring may mga patakaran na mahirap para sa mga dayuhan na maunawaan kapag dumating sila sa Japan sa unang pagkakataon. Sinabi ni Ms. Riswanti mula Indonesia, “Maraming patakaran sa Japan. Makabubuting alamin ang mga ito paisa-isa.”
Kumusta ang halaga ng pamumuhay kumpara sa iyong sariling bansa?
Mahirap sabihin kung mura o mahal ang halaga ng pamumuhay sa Japan, ngunit kung titignan mo mula sa pananaw ng mga tao mula sa mga bansa sa Southeast Asia, ang mga bagay tulad ng pagkain/sangkap ay mas mahal. Sinabi ni Annie mula sa Pilipinas na naninirahan sa Japan, “Ang mga presyo sa Pilipinas ay mura. SSa Japan, ang gulay, prutas, taxi, pizza at suweldo ay mataas. Gayunpaman, ang kuryente at tubig ay mas mura siguro kumpara sa Pilipinas. Sa palagay ko ang gamot na nirereseta sa mga ospital ay mas mura dahil sa mahusay na health insurance.”
Sinabi ni Mr. Mani Gyawali mula sa Nepal na nanirahan sa Japan, “Noong una kong nakita ang mga presyo ng bagay sa Japan, sobrang nagulat ako. Halimbawa, ang presyo ng 10 kilo ng bigas ay halos limang beses ng presyo sa aking sariling bansa. Gayunpaman, nang nasanay na ako sa pamumuhay sa Japan, hindi na ako gaanong nababahala. Iyon ay dahil kahit na mataas ang halaga ng pamumuhay sa Japan, natatapatan ito ng antas ng suweldo. Ang mga taong kakarating lamang sa Japan ay maaaring makaramdam na napakamahal ng mga presyo rito.”
Sa kabilang banda, totoo rin na halos hindi tumataas ang halaga ng pamumuhay sa Japan sa nakaraang ilang dekada. May nagkomento na, “Anim na taon mula ng umuwi ako sa Mongolia, bumalik muli ako sa Japan. Ang ikinagulat ko noong mga panahon na iyon ay ang presyo ng mga bagay tulad ng tinapay, ice cream, ramen, at soda na madalas kong kainin ay halos walang pinagkaiba sa presyo nito anim na taon na ang nakalipas. Ang inflation rate sa Japan ay mas mababa kumpara sa Mongolia, kaya sa isang paraan, mas madali ang pinansyal na pagpaplano.”
Ngayon mas madaling malaman ang mga presyo ng mga bagay sa Internet, kaya maaari mong tingnan ang presyo ng mga bagay tulad ng pang-araw-araw na pangangailangan bago ka pumunta sa Japan. Mahalaga din na maghanda ng pera at magplano para sa mga gastusin sa pamumuhay kapag pupunta sa Japan.
Paano makakakuha ng pagkain/sangkap?
Kung titira ka sa bagong kapaligiran, malamang ay iniisip mo ang tungkol sa pagkain. Siguro ay nag-aalala ka tungkol sa mga bagay tulad ng kung mayroon sila ng mga pagkain/sangkap o seasoning na ginagamit mo sa iyong sariling bansa, o kung saan makakakuha ng mga ito. Sa katunayan, ang Japan ay may iba’t ibang uri ng pagkain, madaling makahanap ng iba’t ibang sangkap, at maraming mga restawran para mag-enjoy ka sa pagkain. Tingnan natin ang ilan sa mga komento mula sa mga dayuhang nanirahan sa Japan:
・”Maraming iba’t ibang pagkain, mula Chinese na pagkain hanggang Western na pagkain. Kung pupunta sa mga malalaking bayan, may mga restawran na may mga kakaibang pagkain mula sa ibang bansa. Halimbawa, Peruvian, Ethiopian, at Uzbek na pagkain. Siyempre, marami ding mga fast food. Gayunpaman, ang mga restawran na naghahain ng pagkain mula sa aking sariling bansa ay okay lang ang pagkain ngunit mahal, kaya bumibili ako ng mga pagkain/sangkap at sarili kong ginagawa ang mga ito. Nakakakuha ako ng mga seasonings mula sa aking sariling bansa sa pamamagitan ng pagbili ng mga ito sa online.”
・”Noong kakarating ko lamang sa Japan, hindi ako mahilig sa Japanese na pagkain at sobrang nahirapan ako. Sa umpisa, bumili ako ng mga sangkap na kailangan ko sa supermarket at gumawa ng pagkain na may parehong lasa katulad ng pagkain sa aking sariling bansa. Nang nasanay ako sa pamumuhay sa Japan, madalas na akong kumakain ng Japanese na pagkain, at nagluluto na din ako ng mga Japanese na pagkain sa bahay. Kapag gusto kong kumain ng pagkain mula sa aking sariling bansa, pumupunta ako sa mga restawran sa bayan. Maraming iba’t ibang sangkap sa supermarket at online, kaya wala akong problema sa pagkain.”
Paano mo pinapalipas ang iyong oras sa iyong day off?
Mahirap mag-travel ngayon dahil sa paglaganap ng COVID-19, ngunit dahil ang domestic transportation network ng Japan ay mahusay na binuo, maaari kang mag-travel sa iba’t ibang lugar sa pamamagitan ng eroplano, tren, o highway bus, kahit sa day off mo lang.
Sinabi sa amin ni Ms. Anarbayar Renchinkhorol mula Mongolia, “Ang Japan ay karaniwang isang ligtas na bansa, kaya kahit ang mga kababaihan ay maaaring mag-travel mag-isa nang panatag ang loob.” Maaari ka din mag-enjoy sa mga bagay tulad ng panonood ng mga movie o pag-shopping sa mga malapit na lugar. May ilang mga tao na nag-eenjoy ng mga aktibidad sa kanilang lokal na lugar tulad ng pagtuturo ng cricket sa mga batang Hapon, mga cultural exchange, at mga kumpetisyon sa karoke.
Sinabi ni Annie mula sa Pilipinas, “Sa weekends, nag-eenjoy akong maglibot sa mga malapit na cafe. Mahilig din akong tumingin sa mga tindahan sa downtown area o pumunta sa mga restawran para kumain. Mahilig akong sumali sa mga lokal na kaganapan (mga festival, eksibisyon, atbp.). Mahilig din akong makaranas ng kultura ng Hapon, tulad ng karanasan sa tea ceremony. Gusto kong mag-travel nang marami at layunin kong bisitahin ang lahat ng 47 prefectures sa Japan!”
Kapag magtatrabaho sa industriya ng pangangalaga sa Japan, malamang na magiging abala ka sa pag-aaral sa pangangalaga (pagsusulit) at pag-aaral ng Japanese sa iyong day off, ngunit mabuting ideya din ang lumabas at i-enjoy ang Japan sa iyong day off upang maiwasan maipon ang stress.